Kahol ng isang tuta

Kumakaluskos sa sulok ang kanyang mga paa. Umaalingasaw ang kalawang ng kadena sa kaniyang leeg. Ang kanyang mga munting ungol ang gumagambala sa bawat nagdaraang anino at yabag. Katulad ng nasa isang pambatang tula, mahaba ang kaniyang buntot. Malaki ang kaniyang katawan. Siya’y masunurin at mabalbon.

Bulok na sistema ang kaniyang agahan. Makasariling mga pinuno ang kaniyang tanghalian. At sa gabi, pagsisisi ang kaniyang linalamon. Madungis. Bulok. Masangsang. Sa mga pagkakataong ito nabubuhay ang kaniyang dugo. Sa bawat pagdating ng kaniyang amo upang magbigay ng isang kanin-baboy, tumatango ito. Winawagayway ang buntot na animo’y gutom sa pagsunod at uhaw sa simpatya.

At sa huli, kakahol siya bilang isang pasasalamat. Kahit siya’y isa nang ganap na aso, ang turing pa rin sa kanya ay isang tuta. Tuta para sa sistema. Tuta para sa administrasyon.

Sa ‘di kalayuan, maririning ang kahol ng isang tuta—kahol ng isang lider kuno.

***

Hindi maikakailang ang pinakamalakas na puwersa sa loob ng unibersidad ay ang kolektibong partisipasyon at lakas ng mga mag-aaral. Ang ating boses ang patuloy na gigimbala sa sistema, at puputol sa tanikalang nilikha ng ating administrasyon. Sa pananakal ng ating mga pinuno, ang mga lider mag-aaral dapat ang higit na lalaban para sa ating mga karapatan—ang magiging tagapamagitan, at magsusulong sa mga proyektong pumapanig sa ating katuwiran.

Ngunit sa kasamaang palad, ang mga lider mag-aaral ng ating unibersidad ay nakakulong sa hawla ng mga papeles, mga panuntunan, at mga protokol na nilikha ng administrasyon upang sumang-ayon at kumiling sa kanilang mga pansariling interes at benepisyo: ang pagsilbihan ang sistema sa halip na ang mga estudyante.

Masasalamin sa nakaraang TALAKAYAN, ang 2018 University Debate, ang kawalan ng aksyon ng mga lider-mag-aaral upang sumangguni sa hiling ng iilang estudyante na ipagpatuloy ang debate sa labas ng Ugnayang La Salle (ULS). Sa huli, ang desisyon ng mga pinuno na nakaangkla sa mga panuntunan at protokol ng paaralan ang nanaig. Nakapanghihinayang na ang ganoong klase ng partisipasiyon mula sa mga estudyante ay bihira na lamang nating marinig subalit patuloy pa ring itinigil.

Sa huli, ang desisyon ng mga pinuno na nakaangkla sa mga panuntunan at protokol ng paaralan ang nanaig.

Nagkaroon ng diskusyon at live interview sa Facebook, ngunit ang mga midyum na ito ay hindi sapat upang maiparating ng mga mag-aaral ang kanilang hinaing sa mga kandidato sapagkat sa mga ganitong sitwasyon ay hindi mapapatunayan ang agarang kaalaman ng mga kandidato patungkol sa mga isyu sa loob at labas ng institusyon. Ang kultura ng politika sa ating institusyon ay naging bulok simula’t-sapul, at ang tunay na lider-mag-aaral na kayang tumindig laban sa sistema at administrasyon lamang ang magbubukas ng tiwala ng bawat Lasalyano.

Walang lugar ang isang tuta sa posisyon na dapat ay pinamumunuan ng isang leon.
Ang pagtindig ng isang lider mag-aaral para sa mga estudyante ay mahalagang parte ng pagiging isang pinuno. Ito ang magiging pundasyon ng bawat kritisismo at opinyon. Ang pag-angat sa lebel ng diskurso mula sa institusiyonal patungo sa panglipunang isyu ay makabuluhan dahil tayo ay parte ng isang lipunang direktang inaatake ng dahas, kawalan ng katarungan, at pasismo.

Walang silbi ang Bill of Rights na nakasaad sa ating Student Handbook kung tahasang kinokontrol at hinahadlangan ang mga mag-aaral at maging mga lider mag-aaral na isiwalat ang kanilang mga opinyon, kritisismo, at pagsalungat sa administrasyon. Kahit ang simpleng pagbabawal na bumuo ng mga samahan at mangasiwa ng rally sa loob ng paaralan ay isang saligan sa paglabag ng karapatan ng mga Lasalyano. Sa mga ganitong usapin, ang pagtindig ng mga lider-mag-aaral para sa kanilang pinagsisilbihan ay higit na kinakailangan kaysa sa mga konsiyerto, pa-freebies, at pa-free ice cream.

Ang pagtindig ng mga lider-mag-aaral para sa kanilang pinagsisilbihan ay higit na kinakailangan kaysa sa mga konsiyerto, pa-freebies, at pa-free ice cream.

Ang isang organisadong partisipasyon ng mga mag-aaral na pinamumunuan ng isang matapang na lider ay kinakailangan upang maprotektahan ang karapatan at kapakanan ng lahat. Tayo ay hinuhubog ng ating institusyon sa paraang ang ating kritikal na pag-iisip ay mahahasa at mapapalawig. Ang paggamit nito sa pagbuwag ng depektibong sistema at pagtama ng mga kamalian ay ang pinakamahalagang parte bilang isang produkto ng institusyong ito.

Ngayong tinitintahan na natin ang ating mga balota, sana ay mailuklok natin ang mga pinuno na magsisilbi sa mga mag-aaral at hindi sa administrasyon. Nasa atin ang puwersa. Nasa atin ang kapangyarihan.

Buwagin ang mga kadena at tanikala.

Walang mali sa paglaban. May mali kaya lumalaban.

Leave a Reply