Bilang isang student leader, may kanya-kanya tayong rason kung bakit natin piniling maluklok sa puwesto at manguna sa pagsisilbi. Ang ilan, marahil, ay para makalikom ng mga mga kasanayang maghuhulma sa intelektwal at personal na kakayahan. Ang iba, gustong makasalamuha ng iba’t ibang tao o makabuo ng pagkakaibigan sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Samantalang ang ilan, walang ibang rason kung hindi pabanguhin lamang ang kanilang resume at curriculum vitae para sa paghahanap ng trabaho, at pagbuo ng karera pagkatapos nila sa kolehiyo. Samakatuwid, karamihan ay nagiging lider lamang sa isa o dalawang pahinang papel—mga uri ng namumunong inuuna ang personal na interes kaysa sa paglilingkod.
Sa mga nakalipas na taon, hindi maikakailang maraming student leader ang mas nangingibabaw ang personal na hangarin kaysa sa kolektibong layuning nararapat isulong sa ating Unibersidad. Maayos ang postura sa araw ng panunumpa, taas-noo habang itinataas ang kanang kamay, at walang mapagsidlan ang ngiti habang kinukuhanan ng litrato. Tila ba sa kanilang tindig, magiging kasangga mo sila sa bawat problemang dapat lutasin, mga isyung kailangang aksyunan, at mga sistemang nararapat buwagin.
Dahil ang ilan, lider lamang sa papel at salita—animo’y mga pulitikong pumuputak sa disoras ng gabi, ngunit hindi nakikinig sa totoong hiling at kalagayan ng komunidad na kanilang pinagsisilbihan.
Kung tutuusin, nasaksihan ko ang ilang student leaders na pinanindigan ang kanilang sinumpaang tungkulin—mula sa paglaban kontra pagtaas ng matrikula hanggang sa pagsulong ng mga polisiya sa pagsailalim ng Unibersidad sa distance learning noong umpisa pa lamang ng pandemya. Ngunit bilang isang estudyante at campus journalist sa Pamantasan sa loob ng tatlong taon, batid kong mabibilang lamang sa dalawang kamay ang mga lider sa aksyon at gawa. Dahil ang ilan, lider lamang sa papel at salita—animo’y mga pulitikong pumuputak sa disoras ng gabi, ngunit hindi nakikinig sa totoong hiling at kalagayan ng komunidad na kanilang pinagsisilbihan.
Makukulong lang ba ang mga layuning ito sa panahon ng halalan tulad ng mga trapong nasa gobyerno? O umpisa ito ng mas matapang at matibay na paglilingkod sa ating komunidad?
Ngayong may mga bagong naghahangad na magsilbi at maluklok sa pwesto, nais ng mga estudyanteng katulad ko ang magkaroon ng mga lider na tatawid ang paglilingkod sa aksyon, polisiya, at pagbabago, at hindi lamang sa isang pahinang papel. Mga lider na handang punahin ang baluktot na sistema, mga lider na sasamang tumindig kasama ng mga estudyante, at mga lider na magsusulong ng kolektibong pagbabago sa komunidad. Maraming plataporma, mabulakak na salita, at pangakong tila hitik sa bunga ang binitawan ng bawat kandidato sa loob ng tatlong linggong pangangampanya. Makukulong lang ba ang mga layuning ito sa panahon ng halalan tulad ng mga trapong nasa gobyerno? O umpisa ito ng mas matapang at matibay na paglilingkod sa ating komunidad?
Wala sa akin o sa mga boboto ang sagot—silang mga naghahangad na maluklok sa pwesto ang tanging makasasagot nito.